PNP Chief General Debold Sinas, hinamon na ireporma ang PNP o magbitiw sa pwesto

Ireporma ang Philippine National Police (PNP) o magbitiw sa pwesto.

Ito ang naging hamon ni dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez kay PNP Chief Police General Debold Sinas, kasunod ng pamamaril at pagpaslang ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.

Ayon kay Alvarez, bagama’t dapat lamang na maparusahan agad si Nuezca sa ginawa nitong krimen, hindi naman dapat isantabi ang sistema sa PNP.


Kailangan aniyang silipin ang PNP bilang isang institusyon na ngayon ay tinatawag na ng marami na “Pumapatay ng Pilipino” o PNP.

Mahalaga na ma-review at magsagawa ng reporma sa sistema upang maitama ang mga pagkakamali.

Iginiit din ni Alvarez na i-demand o hilingin ng publiko ang command responsibility na ipinatutupad ni Chief Sinas sa hanay ng pulisya.

Kung hindi aniya magabayan ng hepe ang kanyang mga tauhan at hindi maprotektahan ang mga Pilipino ay hindi dapat ito manatiling PNP Chief bagkus ay mag-resign na ito agad sa pwesto.

Facebook Comments