Iginiit ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Oscar Albayalde na dapat tingnan ng publiko ang “dalawang mukha” ng buy-bust operation sa Rodriguez, Rizal kung saan namatay ang isang 3 taong gulang na batang babae.
Tinutukoy ni Albayalde ang batang si Myca Ulpina, anak ng drug suspect na si Renato na target ng operasyon.
Ayon kay Albayalde – mayroon ding namatay sa kanilang panig nang ikasa sa anti-drug operation.
Si Police Senior Master Sgt. Conrado Cabigao, na nagsilbing poseur buyer sa operasyon ay nasawi at may naiwang dalawang anak.
Ani Albayalde – kung alam ng suspek na may anak siya sa loob ay dapat sumuko na lamang ito.
Tiniyak ng PNP chief na ilalabas ang resulta ng imbestigasyon sa mga susunod na araw.
Ipinag-utos na ni Albayalde na sibakin ang hepe ng Rodriguez, Rizal PNP at 19 na pulis.
Inilagay muna sina Lieutenant Colonel Restie Damaso at mga tauhan sa personnel holding ang accounting unit habang iniimbestigahan ang kaso.
Binawi rin ang kanilang mga service firearm.