Aminado si PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde na bahagyang nag-relaxed ang ipinatutupad na seguridad sa Jolo, Sulu kaya nalusutan ng pagsabog kahapon kung saan 20 ang namatay at mahigit isang daan ang sugatan.
Depensa ni PNP Chief Albayalde, ilang taon nang walang insidente ng pagpapasabog sa Sulu kaya medyo naging kampante ang seguridad sa lugar.
Aniya pa sino ang mag-aakalang mismong sa loob ng simbahan at habang nagsasagawa ng misa isinagawa ang pagpapasabog.
Ang pinakamalala aniyang nangyari sa Jolo Sulu Cathedral ay noong taong 2011 pa kung saan sinalpak sa altar ang bomba at pinasabog ngunit walang namatay kaya hindi inaakala ng mga awtoridad na mangyayari ang madugong insidente kahapon sa kauna-unahang pagkakataon.
Sa ngayon naka lockdown na ang buong Jolo, Sulu upang makontrol ang galaw ng mga tao sa syudad.
Habang tiniyak naman ni Albayalde na may dalawang batalyon ng PNP Special Action Force (SAF) sa Sulu upang magbigay nang mahigpit na seguridad.
Kanina ay pinuntahan mismo ni PNP Chief Oscar Albayalde ang pinangyarihan ng pagsabog sa Jolo, Sulu upang direktang bigyan ng direktiba ang mga pulis sa lugar na magpatupad nang mas mahigpit na seguridad.