PNP chief, inatasan ang mga pulis sa NCR na makipag-ugnayan sa mga LGU para sa pagpapatupad ng limitasyon ng outdoor exercises

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang lahat ng mga opisina at units ng mga pulis sa Metro Manila na makipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU).

Ito ay para pag-usapan ang regulasyon sa pagpapatupad ng limitasyon ng outdoor exercises.

Ayon kay Eleazar, kinakailangan pa rin ng mga limitasyon para mapigilan ang patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).


Aniya, dapat na malaman ng mga pulis ang regulasyon ng bawat LGU para walang mangyaring kalituhan sa pagpapatupad nito.

Iginiit pa ni Eleazar na dapat siguraduhin ng mga pulis na maipapatupad nila ang minimum public health safety standards sa mga indibidwal.

Matatandaan na isinailalim na ang NCR sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) hanggang sa katapusan ng Agosto at dahil dito ay pinapayagan na ang outdoor exercises.

Pero sa kabila nito ay inatasan ang bawat alkalde na magpatupad ng limitasyon para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Facebook Comments