
Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsasagawa ng manhunt operation laban sa suspek na namaril sa kapitan ng Brgy. Tres De Mayo, Digos City sa Davao Del Sur.
Ang nasabing kapitan ay si Oscar “Dodong” Bucol Jr. na binaril at pinatay habang naka-Facebook live noong Nobyembre 25, bandang alas-9 ng gabi.
Dahil dito, inatasan ni PNP acting Chief Nartatez ang mga police units ng Davao Del Sur at karatig probinsya nito na mag-deploy ng trackers teams, magsagawa ng follow-up operations at makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa mabilis na pagkakahuli sa suspek.
Samantala, may ilang person of interest na ang mga imbestigador na ibinatay rin sa mga pahayag ng nasabing biktima sa kanyang post sa social media.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang pulisya sa mga nakakita ng nasabing insidente na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Nananatili naman ang 2 milyong pisong pabuya sa makakapagturo sa suspek sa nasabing pagpaslang.









