PNP chief, inutos ang mas malalim na imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa ex-tabloid editor sa QC

Mas alerto ang Philippine National Police (PNP) laban sa anumang uri ng krimen sa kabila ng pagtututok din sa ipinaiiral na quarantine protocols.

Ito ay matapos ang pagpatay sa isang negosyante at dating tabloid editor sa loob mismo ng kaniyang parlor sa Quezon City kahapon.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, inutos niya ang pagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy agad ang nasa likod ng krimen at ang motibo nito.


Batay sa inisyal na imbestigasyon, nilooban ang parlor ng biktima na kinilalang si Gwenn Salamida kung saan siya ay binaril sa ulo na naging dahilan ng kaniyang agad na pagkamatay.

Bagama’t pagnanakaw ang pangunahing tinututukan ngayon ng mga imbestigador sa krimen, sinabi ni Eleazar na tinitingnan pa rin nila ang iba pang anggulo para maging matibay ang isasampa nilang kaso laban sa salarin.

Facebook Comments