PNP Chief Marbil, ipinag-utos ang malalimang imbestigasyon sa ibinunyag na umano’y “quota” at “reward” sa anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon

PHOTO: House of Representatives

Ipinag-utos na ni Philippine National Police o PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang malalimang imbestigasyon sa mga ibinunyag ni Lt. Col Jovie Espenido ukol sa umano’y pagkakaroon ng “quota” at “reward” system sa Oplan Double Barrel ng PNP noong administrasyong Duterte.

Binigyan-diin ni Gen. Marbil na seryoso at mabigat ang alegasyong ito ni Espenido.

Dahil dito, inatasan niya ang review panel na nagsasagawa ng assessment sa Oplan Double Barrel ng PNP na suriing mabuti ang mga pagbubunyag na ito ni Espenido.


Ang review panel ay pinamumunuan ng Office of the Deputy Chief PNP for Operations at may mga kinatawan ng PNP Quad Staffs kasama ang Operations, Investigation, Intelligence, at Police Community Relations gayundin ang Internal Affairs Service at PNP Human Rights Office.

Ayon kay Marbil, mahalaga ang magiging resulta ng imbestigasyon sa pagbuo ng mga istratehiyang ipatutupad ng PNP kontra iligal na droga, na nakatuon sa transparency, accountability, at proteksyon ng karapatang pantao.

Sinabi pa ni Marbil na nananatiling tapat ang Pambansang Pulisya sa misyon nitong pangalagaan ang kaligtasan ng mga Pilipino habang pinapanatili ang kanilang pinakamataas na integridad at propesyunalismo.

Facebook Comments