PNP Chief Marbil kay Villanueva: Pangalanan ang dating PNP chief na nasa payola ni Guo

Umapela si PNP Chief Gen. Rommel Marbil kay Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) Senior Vice President Ret. Gen. Raul Villanueva na pangalanan na kung sino man ang binanggit nito sa pagdinig ng Senado na dating PNP chief na nasa payola ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa gitna ng pagdinig ng 2025 budget ng Philippine National Police (PNP) sa Senate Committee on Finance ay naisingit ni Senator Robinhood Padilla ang naturang isyu at nakwestyon sa PNP kung batid na ba nila kung sino ang dating PNP Chief na sumusuporta sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Pero ayon kay Marbil, wala pa silang report na natatanggap mula kay Villanueva pero ipinag-utos na niya ang imbestigasyon sa 24 na mga dating PNP chief kung ang mga ito ay may kinalaman sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga iligal na POGO.


Giit ni Marbil, hindi sila natutuwa sa sinabi ni Gen. Villanueva lalo’t sinabi niya ang impormasyong ito “under oath” at naapektuhan na rin dito ang buong organisasyon.

Dagdag pa ni Marbil, susulat sila kay Villanueva para hilingin na pangalanan na ang dating PNP chief o kung hindi ay linawin nito sa susunod na pagdinig ng Senado na wala naman talagang ganito pang impormasyon.

Facebook Comments