PNP Chief Marbil, nagbabala sa mga pulis na masasangkot sa moonlighting sa mga kandidatong tatakbo sa 2025 midterm elections

Mahigpit ang babala ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga pulis na masasangkot sa moonlighting o pagbibigay ng private security sa mga kandidato ngayong papalapit na ang 2025 midterm elections.

Ayon kay Gen. Marbil, “strictly not allowed” ang ganitong gawain para sa mga pulis.

Sinabi niyang nakalaan lamang ang mga security escort na aprubado ng Commission on Elections, kung saan dalawang pulis lamang ang maaaring italaga sa bawat kwalipikadong kandidato.


Ngunit kailangan pa aniyang linawin at pag-usapan ang mga patakaran ukol dito kasama ang poll body.

Binalaan ni Marbil ang mga pulis na lalabag sa kautusan na sila’y matatanggal sa serbisyo at ang mga kasamahan nilang magtatangkang protektahan ay makakasuhan din.

Inihalimbawa nito ang ginawang hakbang ng PNP laban sa ilang Special Action Force o SAF members at iba pa nilang kasamahan na sibak sa serbisyo dahil sa moonlighting.

Kasunod nito, tiniyak ng PNP na hindi nila kukunsintihin ang anumang paglabag na makaaapekto sa pagiging patas at non-partisan ng kanilang organisasyon sa darating na eleksyon 2025.

Facebook Comments