Umapela ngayon si PNP Chief Police General Oscar Albayalde sa mga natalong kandidato at mga supporter nito na tanggapin ang resulta ng eleksyon.
Ayon sa PNP Chief, tapos na ang eleksyon at nagsalita na ang taongbayan kaya dapat respetuhin ang naging desisyon ng ng mga botante.
Hindi rin aniya makutuwiran na paratangan ang PNP na nasa likod ng pagkapanalo ng ilang mga dating pulis sa iba’t ibang lokal na posisyon.
Maski aniya si CIDG Director Mgen Amador Corpuz na ang asawa ay tumakbo at natalo sa lokal na posisyon ay biktima ng hindi patas na pambabatikos.
Paliwanag ni PNP Chief, walang sinuportahang kandidato ang PNP at nanatili silang apolitical sa nakalipas na halalan.
Giit ni Albayalde na sa napipintong pag-upo ng mga bagong halal na opisyal ng pamahalaan, panahon na para isantabi ang mga “political differences” at magtulungan nalang para sa ikabubuti ng bansa.