Binalaan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang mga tauhan nito na may kinikilingang pulitiko.
Ito ay kasunod ng nagpapatuloy na filing ng Certificate of Candidacy (COC) sa buong bansa.
Ayon kay Eleazar, nakatutok sila ngayon sa pagbabantay sa pagpa-file ng mga COC ng mga nais kumandidato kung saan sinisiguro niya na walang papanigang pulitiko ang buong organisasyon ng PNP sa local man o national.
Aniya, mananagot ang sinumang pulis na makikisawsaw sa pulitika kung saan dapat ay maging tapat sila sa sinumpaan nilang tungkulin.
Samantala, nananatiling payapa at nasa maayos ang sitwasyon ng paghahain ng COC sa buong bansa pero hindi pa rin magpapakampante ang PNP at wala silang planong luwagan ang pagbabantay hanggang sa huling araw nito.