PNP Chief, nagbigay ng babala sa mga pulis na magiging partisan ngayong panahon ng halalan

Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar sa lahat ng mga pulis na nagpaplanong pumasok sa partisan politics ngayong papalapit na ang panahon ng eleksyon.

Ginawa ni PNP Chief ang paalala makaraang magbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa mga pulis na manatiling walang kinikilingan dahil kung hindi ay masisibak sila sa serbisyo.

Para kay Eleazar, ang mga pulis ay dapat hindi makisawsaw sa politika at kinakailangan aniyang mag-resign sa PNP kung tatakbo sa posisyon sa gobyerno o kung susuporta sa isang kandidato.


Kamakailan ay tinanggal sa serbisyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang anim na pulis ng Negros Oriental matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct at grave irregularities in the performance of their duty nang isailalim nila sa illegal search at seizure si dating Moises Padilla Vice Mayor Ella Garcia – Yulo noong 2017.

Matapos ang imbestigasyon, natukoy ng NAPOLCOM na ang anim na pulis ay sangkot sa political harassment kay Yulo na noon ay nagpaplanong tumakbo sa pagiging mayor noong 2019 laban sa kasalukuyang Mayor na si Magdaleno Peña.

Giiit ni Eleazaar, dapat pagtuunan ng pansin ng mga tauhan ng PNP ay kung paano matitiyak na maayos, kapani-paniwala at ligtas ang darating na eleksyon sa susunod na taon.

Facebook Comments