“Magagaling ang ating pulis.”
Iyan ang binigyang-diin ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa kabila ng mga umano’y kasong kinasasangkutan ng ilang pulis.
Kaniyang pinangunahan ang paggawad ng Medalya ng Katangitanging Gawa at Medalya ng Kadakilaan sa 16 na opisyal at tauhan ng NCRPO.
Ilan sa mga pinarangalan ay ang mga pulis na nanguna sa pagkakadakip ng mga suspek na sangkot sa malalaking kasong tinutukan ng PNP sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kabilang dito ay ang mga nanguna sa pagkakadakip ng Canadian National na sangkot sa P9.6-B drug haul sa Alitagtag, Batangas; pagkakadakip sa suspek na sangkot sa road rage sa EDSA-Ayala, at iba pang malalaking kaso.
Ayon pa kay PNP Chief ay kaniyang pananagutin ang sinumang pulis na masasangkot sa kaso at pagtalikod sa kaniyang tungkulin.
Aniya, mas paiigtingin ang Zero-Tolerance policy sa mga ito at walang sinuman ang kikilingan sa mga dapat na managot.