
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) acting Chief Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang intelligence at cybercrime units ng ahensya para alamin ang pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng pagpapakalat ng malisyosong bomb threat laban sa University of the Philippines (UP) Manila campus.
Matatandaan na kahapon ay nakatanggap ng dalawang mensahe ang UP Philippine General Hospital at UP Manila na tinaniman umano ng bomba ang nasabing mga lugar.
Dahil dito agad na nagsagawa ng operasyon ang District Explosive and Canine Unit ng Manila Police District (MPD) kung saan wala silang nakitang bomba.
Kaugnay nito, inatasan na din ni Nartatez ang lahat ng local police units para paigtingin ang security measures kasama na dito ang pagpapalakas ng visibility ng mga kapulisan at ang agarang response protocol para maiwasan ang banta sa seguridad ng academic communities.
Samantala, nagbabala si Nartatez sa mga nagpapakalat ng hoax bomb threats dahil ito ay labag sa batas at maaaring mapanagot ang sinuman na mapatunayan na sangkot dito.
Dagdag pa nito, hinimok din nya ang mga estudyante, faculty at publiko na manatiling mag-ingat at maging vigilante.









