
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang monitoring nito sa aktibidad sa gaming hindi lamang sa larong Roblox pati na rin sa iba pang gaming platforms para mapigilan na magamit ito sa paggawa ng krimen.
Ang nasabing hakbang ay matapos ang naging babala ng mga awtoridad sa sikat na gaming platform na Roblox dahil sa umano’y paggamit sa child exploitation.
Ayon kay Nartatez, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa iba pang mga ahensya kagaya ng Department of Informantion and Communication Technology (DICT) at ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) para imbestigahan ang Roblox kung ito ay posibleng ginagamit sa mga krimen kagaya ng sexual predation, grooming at pananamantala sa mga menor de edad.
Dagdag pa ni Nartatez, hindi papayagan ng Pambansang Pulisya na mapagsamantalahan at ma-exposed sa ganitong uri ng online environment ang mga kabataan.
Sa ulat, binigyan ng CICC ang Roblox ng hanggang katapusan ng buwan para ipaliwanag sa awtoridad ng Pilipinas ang mga hakbang na isasagawa nito para gawing safe space ang nasabing platform para sa mga kabataan.
Binigyang-diin ng PNP na ang nasabing mga hakbang ay hindi lamang para sa Roblox pati na sa iba pang online gaming at social platforms na nasa illalim na rin ng mahigpit na pagbabantay.










