Saturday, March 28, 2026

PNP Chief Nartatez, iniutos ang crackdown sa mga hoarder ng LPG

Inatasan ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga lokal na pulis na mahigpit na i-monitor ang mga retailer upang maiwasan ang hoarding at manipulasyon sa presyo sa gitna ng kinakaharap ng bansa patungkol sa enerhiya.

Aniya, may maayos nang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya upang makabuo ng mga hakbang laban sa hoarding at profiteering.

Ayon sa imbentaryo at arawang average ng paggamit ng Department of Energy (DOE), ang liquefied petroleum gas (LPG) ang may pinakamababang suplay sa Pilipinas kumpara sa mga produktong petrolyo tulad ng gasolina at diesel.

Kung kaya’t mahigpit na mino-monitor ng DOE ang suplay ng LPG na maaaring tumagal lamang ng hanggang 24 na araw, kabilang ang mga paparating na delivery.

Nabatid na ang presyo ng LPG ngayong buwan sa Metro Manila ay nasa pagitan ng ₱825 hanggang higit ₱1,000 kada regular na tangke, ayon ito sa DOE.

Gayunpaman, tiniyak ni Nartatez sa publiko na hindi ito ang oras para mag-panic at samantalahin ang publiko dahil ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng hakbang para makatulong, habang sinisiguro ng Philippine National Police (PNP) na ang lahat ng konsyumer ay palaging protektado.

Facebook Comments