PNP Chief Nartatez, iniutos ang malawakang operasyon laban sa ilegal na paputok ilang oras bago ang papalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon

Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsasagawa ng malawakang operasyon laban sa mga ilegal na paputok at pyrotechnic materials ilang oras bago ang papalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ayon kay Nartatez, nagbigay na siya ng direktiba sa lahat ng kapulisan na magsagawa ng agresibong operasyon sa kani-kanilang lugar, lalo na at inaasahan na magiging mas agresibo ang mga nagbebenta at gumagawa ng mga ipinagbabawal na paputok.

Gagawin ang nasabing agresibong operasyon sa ground sa pamamagitan ng territorial forces at iba pang units, at sa online sa pamamagitan ng PNP-Anti-Cybercrime Group.

Sa tala ng Department of Health (DOH), umabot na sa mahigit isang daan ang mga nasugatan dahil sa pagsabog ng paputok, habang dalawang indibidwal naman ang naiulat na nasawi sa Dagupan City dahil sa pagsabog ng isang iligal na pabrika ng paputok. Isang 12-taong gulang na batang lalaki rin ang naiulat na namatay sa Tondo dahil sa pagsabog ng paputok.

Kaugnay nito, isasama ang Divisoria sa mga pangunahing lugar na isasailalim sa malawakang operasyon dahil na rin sa mga ulat na lantaran umanong pagbebenta ng mga ilegal na paputok.

Gayundin ang iba pang mga kilalang lugar na nagbebenta ng mga ipinagbabawal na materyales sa paputok.

Hinikayat naman muli ni Nartatez ang publiko na maghanap ng mga alternatibong paraan ng paggawa ng ingay, lalo na para sa mga bata, para sa ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon.

Facebook Comments