
Iniutos ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang maximum police visibility sa mga bus terminal, pantalan, at paliparan na posibleng dagsain ng mga tao ngayong Holy Week.
Ang nasabing presensya ng mga kapulisan ay bahagi ng heightened alert status ng Philippine National Police (PNP) na epektibo nitong Linggo, kasabay ng Palm Sunday.
Nasa 2.4 milyong katao ang inaasahang dadagsa sa mga pantalan sa buong bansa, habang inaasahan namang nasa 1.3 milyong biyahero ang dadaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa buong Holy Week break.
Ayon pa kay PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, naglagay na rin ng mga police assistance desk para sa mabilis na pagresponde sa mga biyaherong nangangailangan ng tulong.
Bukod sa mga transportation hub, pinaiigting din ng PNP ang presensya ng kapulisan sa mga pangunahing simbahan at iba pang lugar na dinarayo ng maraming tao.
Samantala, hinimok din ni Nartatez ang mga motorista na i-double check ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe nang malayuan.










