
Ipinag-utos ni Philippine National Police Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsasampa ng matibay na kaso laban sa 6 na pulis-Maynila na sangkot sa robbery extortion sa Makati.
Ayon kay Nartatez,personal niyang imo-monitor ang nasabing kaso para matiyak na hindi lang ma-didismissed sa kaso ang mga sangkot na pulis.
Aniya, hindi kukunsintihin ng PNP ang anumang uri ng kawalan ng batas sa hanay nito, kasabay ng utos niya sa NCRPO na ilagay ang mga sangkot na pulis sa restrictive custody at preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nabatid na sinimulan na ng PNP-Internal Affairs Service ang pagsasampa ng mga kasong administratibo na maaaring humantong sa pagkakatanggal sa serbisyo ng mga nasabing sangkot na pulis habang inihahanda na rin ng Makati Police ang mga kasong kriminal.
Samantala, inatasan din ni chief PNP ang mga imbestigador na tiyaking matibay ang kasong isasampa laban sa mga nagkasalang pulis ng MPD at iniutos na kung kinakailangan ay bigyan ng proteksyon ang biktima.










