PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, nasibak dahil umakto ng higit pa sa kanyang kapangyarihan ayon sa isang senador

Naniniwala si Senator Panfilo Lacson na nasibak si PNP Chief Police General Nicolas Torre III matapos nitong umakto “beyond his authority” o higit pa sa kanyang kapangyarihan na hindi man lang dumaan sa pag-apruba ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ito ay kaugnay sa pinakahuling rigodon sa PNP kung saan unilaterally o mag-isang nagdesisyon si Torre na ilipat ang second in command niyang si Lt. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. bilang Commander ng Area Police Command sa Western Mindanao.

Ayon kay Lacson, karaniwan ang pagtatalaga o pag-alis sa pwesto ng mga miyembro ng PNP Command Group – Deputy for Admin, Deputy for Operations and Chief at Directorial Staff ay dapat na dumaan sa pag-apruba ng presidente o kahit ng ex-officio Chairman ng NAPOLCOM o ng Secretary ng DILG.

Inihalimbawa ni Lacson ang kanyang sarili noong siya pa ang PNP Chief kung saan binigyan siya ng blanket authority ni dating Pangulong Joseph Estrada na patakbuhin at pangasiwaan ang PNP pero hindi niya ginamit ang “absolute authority” sa pagtatalaga ng mga matataas na posisyon sa mga members ng Command Group.

Gayunman, ang pagkakasipa kay Torre sa pwesto ay sole prerogative ng Pangulo.

Ang mahalaga para kay Lacson ay magkaroon ng maayos na pagpapalit at paglilipat ng command at authority upang hindi maapektuhan ang misyon ng PNP na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan at ang tungkuling “to serve and protect” sa mga mamamayan.

Facebook Comments