Pinapatutukan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar sa PNP Special Action Force (SAF) ang status ng mga biniling kagamitan nito na hindi pa rin naide-deliver.
Ito ay makaraang mapuna ng Commission on Audit (COA) na aabot sa P1.6 billion na mga gamit ang hindi pa rin natatanggap ng Special Action Force sa ilalim ng Capability Enhancement Program.
Sinabi ni Eleazar, inutos niya na sa pamunuan ng SAF na alamin ang mga problema sa kontratang pinasok nito at kung bakit hindi pa rin ito nakukumpleto.
Batay sa 2020 report ng COA, hindi bababa sa 29 na procurement contracts na pinasok ng SAF sa iba’t ibang mga supplier ang hindi pa rin nade-deliver.
Kaya naman inirekomenda ng COA sa SAF na i-terminate ang mga kontra nito sa pagbili ng troop carriers, armored vehicles, machine guns, rifles, grenade at rocket launchers, pistols, mortar, parachutes, tactical vests at iba pa.
Kaugnay nito sinabi ni Eleazar na kinokonsulta na nila ang kanilang legal service sa mga susunod nilang hakbang kaugnay rito.
Paliwanag niya, pumasok sa kontrata ang SAF para sa pagpapalakas nang kanilang pwersa.
Kaya tutukan aniya nila na ma-i-deliver sa SAF ang mga kagamitan na makatutulong nang malaki sa kanilang operasyon.