PNP Chief Sinas, iniutos sa CIDG at Anti-Cybercrime Group na imbestigahan ang umano’y profiling sa mga organizers ng community pantry

Muling nilinaw ng Pambansang Pulisya na walang utos na magsagawa ng profiling o red-tagging sa mga personalidad na involved sa mga nagsisulputang community pantry.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PNP Spokesperson BGen. Rolando Olay na ang intensyon ng kapulisan sa pagpunta sa mga community pantries ay upang matiyak ang kaayusan at panatilihin ang pagsunod sa health protocols.

Ayon pa kay Gen. Olay, hindi na kailangan pang kumuha ng permit ang mga organizers nito, nais lamang nilang makipag-coordinate ang mga organizers sa barangay upang maayos ang magiging sistema.


Kasunod nito, sinabi ni Olay na pinaiimbestigahan na ni PNP Chief Debold Sinas sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), maging sa Police Regional Offices ang mga umano’y red-tagging sa mga organizers ng community pantry.

Maging ang Anti-Cybercrime Group ay mag-iimbestiga rin sa mga nagpapakalat ng mga malisyosong text messages at mga impormasyon sa social media.

Facebook Comments