PNP Chief Torre, ‘dedma’ lang sa mga basher na nagsasabing ‘reward’ ang pagkakatalaga sa kanya bilang bagong hepe ng Pambansang Pulisya

Ipinagkibit-balikat lamang ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III ang mga isyung ibinabato laban sa kanya, kaugnay ng kanyang pagkakatalaga bilang bagong hepe ng Pambansang Pulisya.

Ito’y matapos sabihin ng ilan na reward o political accommodation lamang ang pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Torre bilang bagong pinuno ng PNP kasunod ng mga operasyon na kanyang pinangunahan kabilang na ang pagkaka-aresto sa umano’y sex offender religious leader na si Apollo Quiboloy at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang unang pagharap sa media bilang PNP Chief, iginiit ni Torre na wala siyang personal na isyung kailangang patunayan.

Aniya, nasa isang malayang bansa tayo kung saan karapatan ng bawat isa ang maglabas ng opinyon at magpahayag ng kritisismo.

Sa kabila nito, nanindigan si Torre na ang kanyang mga aksyon ay laging alinsunod sa batas at ginagampanan lamang niya ang tungkulin bilang isang alagad ng batas.

Facebook Comments