
Pumalag si Philippine National Police o PNP Chief General Nicolas Torre III sa pagkwestiyon ni Davao City Mayor Baste Duterte sa kaniyang appointment bilang bagong hepe ng PNP.
Ayon kasi kay Mayor Baste, ang pagkakatalaga kay Torre ay hindi batay sa merito dahil tatlong ranggo ang tinalunan nito bago maging PNP Chief.
Pero sagot ni Torre, bagama’t may respeto aniya siya sa alkalde ay nais lamang niyang ipaalala ang naging promotion ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa unang PNP Chief nito.
Hindi direktang pinangalanan ni Torre ang PNP Chief pero pero malinaw na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang kaniyang tinutukoy.
Ayon kay Torre, kung may puna man si Mayor Baste sa kaniyang appointment ay dapat kwestyunin din nito ang pagtatalaga kay Dela Rosa na agad na tumalon sa 4 star general mula sa one star general lamang bago maging hepe.
Samantala, nirerespeto rin ni Torre ang pahayag ni VP Sara Duterte na kaduda-duda ang pagkakatalaga sa kaniya dahil lumalabas sa imbestigasyon ng Senado na maaari itong mapanagot dahil sa mga paglabag sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Ayon kay Torre, iginagalang niya ang opinyon ni VP Sara pero naninindigan siya sa legalidad at integridad ng kanyang pagkakatalaga bilang PNP Chief.









