PNP CIDG, hindi isinasantabi ang paglabas ng suspected drug lord na si Peter Lim sa Pilipinas gamit ang “backdoor”

Hindi inaalis ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) ang posibilidad na nakalabas na sa bansa ang suspected Drug lord na si Peter Lim sa kabila na walang record kaugnay rito ang Bureau of Immigration (BI).

Sinabi ni CIDG Director Police Major General Albert Ferro, iniimbestigahan na nila ngayon ang paggamit ng “backdoor exit” ni Lim para makatakas.

Puspusan na aniya ang kanilang pagtatrabaho para mahuli si Lim dahil sa warrant of arrest na kinakaharap nito.


Aniya, malaking tao si Lim dahil sa koneksyon nito sa ilegal na droga.

Matatandaan na si Lim ay isinakdal ng DOJ sa pakikipagsabwatan sa illegal drug trading kasama sina “shabu” distributor Kerwin Espinosa, Marcelo Adorco at Ruel Malindangan.

May patong sa ulo si Lim na P500,000 mula pa noong 2018.

Siya rin ay akusado sa pagsusuplay ng halos 90 kilo ng shabu sa Espinosa Drug Group noong 2013 at 2015 sa Region 7 at 8.

Facebook Comments