PNP-CIDG, humiling sa DOJ na padalhan ng subpoena si Atty. Jude Sabio kaugnay ng kasong sedition

Hiniling ng kampo ng PNP-CIDG na mapa-subpoena ang abugadong si Atty. Jude Sabio.

 

Kaugnay ito ng pagpapatuloy ng preliminary investigation sa reklamong sedition na inihain ng PNP-CIDG laban kina Vice President Leni Robredo at mahigit tatlumpung iba pa.

 

Ang kahilingan ay ginawa ni Assistant Solicitor General Angelita Miranda na tumatayong abugado ng PNP-CIDG kasunod ng nalathalang artikulo ni Sabio sa isang pahayagan noong September 2.


 

Sa nasabing artikulo, inilahad ni Sabio na tinangka siyang kunin noon ni Dating Senador Antonio Trillanes IV para maging abogado ni Peter Advincula alyas Bikoy.

 

Ayon sa OSG, ang nasabing artikulo ni Sabio ay magpapalakas sa reklamo ng PNP-CIDG kaugnay ng Project Sodoma o tangkang pagpapatalsik kay Pangulong Duterte.

 

Umalma naman ang kampo ni Sabio sa kahilingan ng ng OSG na magsumite ng panibagong ebidensya.

 

Pinuna rin ng panel of prosecutors ang OSG dahil mismong ito rin ang nagmanifest sa unang pagdinig noong Agosto na kumpleto na ang complaint affidavit at mga ebidensya na naisumite nito kaya itinakda na ang paghahain ng counter affidavit.

 

Bunga nito, nagpasya ang panel na huwag pagbigyan ang hirit ng OSG.

 

Kasabay nito, idineklara rin ng panel na hindi ito tatanggap ng reply affidavit mula sa kampo ng PNP-CIDG.

 

Facebook Comments