May utos na si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na imbestigahan ang illegal operation ng mga fixer sa bakunahan.
Ito ay matapos ihayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na 2 fixer sa kanilang lungsod ang nahuli dahil sa pagpapasingit sa pila sa pagpapabakuna kapalit ng pera.
Para kay Eleazar, posibleng hindi lang sa lungsod ng Pasig nangyayari ang ganitong modus kaya pinasisiyasat niya na rin sa CIDG ang iba pang Local Government Unit (LGU).
Dismaydo si PNP Chief sa mga fixer at tinawag silang walang kaluluwa.
Aniya, sa kabila kasi ng pandemya ay nananamantala pa rin sila at pinagkakakitaan ang mga tao na gustong mabakunahan.
Samantala, apela rin si PNP Chief sa publiko na huwag tangkilin ang nasabing modus at sakaling alukin nito ay agad na ipagbigay alam sa mga awtoridad.