
Sa pulong pambalitaan na ginanap sa Kampo Krame, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagsampa sila ng 2 kaso laban kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Ayon kay CIDG Spokesperson Major Hazel dela Cruz, kasama si Rep. Barzaga sa 97 na nauna nang nasampahan ng ahensya ng kaso patungkol sa nangyaring karahasan noong Setyembre 21.
Ayon naman kay CIDG Director PMGen. Robert Morico II, may isa pang kaso na isinampa laban kay Barzaga at iyon ay patungkol sa naging rally naman sa Forbes Park Makati noong Oktubre 13.
Ayon pa sa kanya, ang reklamong naisampa ay patungkol sa Inciting to sedition at iba pa.
Hindi pa pinangalanan ng CIDG kung sinu-sino ang mga kasama sa nasampahan ng nasabing kaso.
Binigyang diin naman ni Morico na ito ay hindi personal dahil may krimen na nangyari kagaya ng mga kapulisan na nasugatan at mga government properties na nasira sa ginanap na rally .









