Pinagsabihan ni Senator Imee Marcos ang Philippine National Police o PNP na maging maingat at huwag basta-basta nagdedeklara ng “case solved” lalo kung kakaganap lang ng krimen at hindi pa tapos ang imbestigasyon.
Inihalimbawa ni Marcos ang kaso ng pagpatay sa flight attendant na si Christine Dacera na agad idineklarang case solved kahit hindi pa naiisailalim sa otopsiya ang bangkay ng dalaga at patuloy pa ang pagsisiyasat.
Magugunitang idineklara agad ng otoridad na rape at pagpatay ang sinapit ni Dacera pero bandang huli ay lumalabas na hindi naman ito ginahasa at mukhang wala ring foul play sa nangyari.
Ayon kay Marcos, dahil dito ay hindi maiwasan na mapagdudahan ang report ng PNP na kada taon ay 98% ng mga krimen ang nareresolba nito.
Bukod dito ay nasita rin ni Marcos ang PNP dahil sa mabagal na paghawak sa mga kaso ni police officer Jonel Nuezca na bumaril at nakapatay sa mag-inang Gregorio sa Tarlac.
Binanggit ni Marcos ang ilang taon nang asunto laban kay Nuezca tulad ng pagtanggi na sumailaim sa drug test noong 2014, may dalawang tokhang cases din umano ito at disciplinary issue.