Dapat na maging responsable ang pulisya sa paghawak sa mga kaso ng krimen.
Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo makaraang sabihin ng Philippine National Police (PNP) na “case closed” na ang kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera kasunod ng pagkakaaresto sa umano’y tatlo sa mga suspek sa New Year’s Day tragedy.
Ayon kay Robredo, napaka-iresponsable na sabihing “case closed” kung wala pa namang sapat na basehan.
Napakalaking kasalanan aniya ito para sa pamilya ng biktima na hindi klaro sa kanila kung paano namatay si Christine gayundin sa mga madadawit sa krimen.
Dagdag pa ng Bise Presidente, hindi dapat padalos-dalos ang pulisya sa paglalabas ng konklusyon sa mga bagay na hindi pa naman inaayos ang imbestigasyon.
“Talagang dapat kung merong may kasalanan, parusahan to the full extent of the law pero hindi makatarungan na gagawa ka ng konklusyon sa mga bagay na hindi mo pa naman inaayos yung imbestigasyon. Para sa’kin, panlilinlang sa tao yung ganon,” ani Robredo.
“Kung hindi pala totoo, halimbawa, wala palang rape, parang sinira mo yung buhay nung mga… di ba? Saka kawawa yung pamilya ni Christine,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, iginiit ni Robredo na napakadelikado ang pagsusulong ng panukalang death penalty.
“Napakadelikado kasi hindi maayos yung imbestigasyon tapos sinasabi mo na na ito yung mga guilty. Kung meron tayong death penalty, baka nasa death row tapos hindi naman pala yun yung nangyari. Nakapadelikado niyan,” giit pa ni Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Robredo sa naulilang pamilya ni Christine.