Walang matibay na ebidensya ang mga awtoridad para madiin sa kaso ang sekretarya ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves na si Hannah Mae Sumerano Oray.
Ito ang dahilan kaya napalaya si Hannah Mae mula sa Philippine National Police (PNP) custodial facility sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, hindi naman pag-aari ni Hannah Mae ang mga armas na nakumpiska sa kanilang tahanan kun’di pag-aaari ito ng kanyang mister.
Bunsod nito, inihayag ni Fajardo na mananatili sa kustodiya ng PNP-Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) ang asawa ni Hannah Mae na si Heracleo Oray dahil sa kanya nakapangalan ang mga armas na una nang nakansela ang mga lisensya.
Kasunod nito, binigyang diin ng PNP na iginagalang nila ang naging desisyon ng Department of Justice (DOJ) prosecutors.
Pero pagtitiyak ni Fajardo, hindi titigil ang Pambansang Pulisya hangga’t hindi napapanagot ang mga may sala sa karumal-dumal na pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.