Pinaalerto ni bagong PNP Chief Police General Debold Sinas ang lahat ng PNP units para paganahin ang mga active disaster response team lalo’t inaasahan ang pananalasa ng Bagyong Ulysses sa Bicol Region at Southern Tagalog Regions.
Ayon kay Sinas, partikular niyang inalerto ang mga Police Regional Offices at National Support units sa buong Southern Luzon para maihanda ang lahat ng disaster response capability nang sa ganoon ay maiwasan na may mga indibidwal na mapahamak dahil sa inaasahang lakas ng hangin, lakas ng ulan at storm surge o daluyon.
Sa ngayon aniya, naka-preposition na ang mga PNP disaster response personnel, equipment at resources sa mga lugar na tutumbukin ng bagyo na inaasahang makakaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sinabi pa ni Sinas na nakahanda rin ang mga pulis sa pagtulong sa pagpapatupad ng forced evacuation.
Bukod dito, inatasan din ni Sinas ang mga PNP local units na magbigay ng assistance at seguridad sa mga evacuation centers at temporary shelters na gawa ng LGU at PDRRMO.