PNP, dismayado sa ginawang Facebook live ng isang vlogger sa ongoing operations ng ACG

Hindi palalagpasin ng Philippine National Police (PNP) ang kontrobersyal na operation ng Anti-Cybercrime Group (ACG) na nagsama ng vlogger na nag-Facebook live pa sa ongoing operation sa isang lending company sa Makati City.

Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ayaw na nilang maulit pa ang naturang insidente kung saan posibleng nagkaroon ng privacy breach.

Hindi kasi na-blur ang mukha o naitago ang identity ng mga empleyado ng kumpanya na ikinabahala ng mga kamag-anak nito.


Giit ni Acorda, hindi nila hinihikayat ang ginawang aksyon ng ACG.

Dahil dito, maglalabas ng direktiba ang PNP at gagawa ng mga hakbang para maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Sa ngayon, sinisilip na ng PNP ang posibleng paglabag ng ACG sa Memorandum Circular 2023-053 o Revised Media Relations Policy.

Samantala, sa kanyang panig ay sinabi ni ACG Spokesperson Police Captain Michelle Sabino na hindi niya kontrolado ang Facebook live ni Rendon Labador na kanilang partner sa awareness campaign.

Matatandang, dati nang nabura ang account ni Labador dahil sa ilang beses nitong paglabag sa community guidelines ng Facebook.

Facebook Comments