Todo ang depensa ng pamunuan ng Philippine National Police sa pakiusap nito sa publiko na wala munang Public Display of Affection o PDA ngayong panahong tumataas ang kaso ng COVID-19.
Ayon kay Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana, tagapagsalita ng PNP parte ng health protocol ang social distancing, kaya’t hindi pinapayagan ang mga magkakahawak ng kamay at magkaakbay sa paglalakad sa labas.
Wala aniyang exempted dito dahil maging ang mga mag-asawa o magsing-irog sakop ng kanilang paninita.
Nais kasi nilang hindi na kumalat pa ang virus.
Ayon pa kay Usana na sa ngayon ay mismong ang mga Local Government Unit (LGU) ang humihiling sa PNP na ipatupad ang mga minimum health protocols, lalo na sa Metro Manila.
Bukod sa social distancing ay kasama rin sa muling mahigpit na ipinatutupad ay ang pagsusuot ng face mask at face shield.