Echague, Isabela – Patuloy pa rin ang pagtutok ng PNP Echague sa kanilang kampanya kontra iligal na droga sa mga nasasakupang barangay.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni SPO4 German Taliping ng PNP Echague sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan sa programang Sentro Serbisyo.
Aniya, tuloy-tuloy ang kanilang pagsasagawa sa kanilang kampanya kontra droga matapos ang pagbabalik ng ilan sa mga drug surrenderee sa paggamit nito.
Kaugnay nito, nakapagtapos na ng Community Based and Rehabilitation Program (CBRP) ang 733 tokhang responders mula sa 794 responders sa bayan ng Echague habang kasalukuyan pa ang proseso ng mga natitira.
Sa paghahanda naman sa nalalapit na 2019 Midterm Elections ay kanilang isinasagawa ang Oplan Katok at nakapagtala ang kanilang himpilan ng labindalawang baril na isinuko sa kanilang tanggapan.
Samantala, mula sa 64 barangay na sakop ng Echague ay naideklara na bilang Drug Free Barangay ang labingsiyam at kanilang inaasahan na sa lalong madaling panahon ay malinis na sa droga ang natitira pang mga barangay na sakop ng naturang bayan.