PNP Forensic Group, isinasapinal na ang gross autopsy findings sa grade 5 student na namatay matapos umanong sampalin ng kanyang guro

Malapit nang makumpleto ng Philippine National Police (PNP) – Forensic Group ang resulta ng autopsy sa batang nasawi dahil sa pananampal umano ng isang guro sa Antipolo City.

Ayon kay Dr. Hector Sorra, hepe ng Medico Legal, PNP-Forensic Group, isinasapinal na lamang nila ang gross autopsy findings sa labi ng Grade 5 student na si Francis Jay Gumikib.

Posible aniyang bukas o sa mga susunod na araw pa nila mailabas ang kanilang report.


Paliwanag nito, sakop lang kasi ng 7 araw na bilang para sa pagsusuri sa otopsiya ang working days at hindi kasama rito ang Sabado at Linggo.

Samantala, kanya namang sinabi na naghihintay pa sila ng resulta ng histopath examination para mabigyan ng back-up ang kanilang ginawang autopsy.

Sa ilalim kasi ng histopath examination ay tinitingnan sa microscope ang mga tissue samples na kinuha sa labi ng yumao para malaman ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Facebook Comments