PNP, gagamitin ang kanilang bagong logistic information system para sa eleksyon

Gagamitin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang bagong PNP-Logistics Data Information and Management System (PNP-LDIMS) ngayong panahon ng eleksyon.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Rhodel Sermonia, ang bagong sistema ay inaasahang makakatulong sa mabilis na deployment ng personnel at assets partikular sa mga lugar na itinuturing na hot spots.

Paliwanag naman ni PNP Director for Logistics, PBGen. Ronaldo Olay, ang PNP-LDIMS ay isang one-stop-shop na nagbibigay ng real-time information sa “status” ng lahat ng tauhan at kagamitan ng PNP.


Magagamit aniya ito sa pagtukoy ng “accountability” ng bawat tauhan ng PNP, at maaari ding pagkunan ng clearance ng mga magreretirong PNP personnel.

Ang PNP-LDIMS ay pormal na pinagkalooban ng certification bilang information system ng PNP kahapon sa Camp Crame.

Kaugnay nito, ginawaran ng pamunuan ng PNP ng medalya ng katangi-tanging gawa at plaque of recognition ang mga tauhan ng PNP na responsable sa pagbuo ng nasabing information system.

Facebook Comments