PNP, gagawa ng reassessment sa kalagayan ng kanilang mga medical personnel matapos nang umano’y mga reklamong pagod na ang mga ito

Magsasagawa ng assessment ang Philippine National Police (PNP) para matukoy ang totoong sitwasyon ng kanilang mga doktor, nurse at iba pang medical personnel.

Ito ay sa harap na rin nang halos limang buwan nang nararanasan ang COVID-19 pandemic kung saan tumataas din ang bilang ng mga pulis na kailangang gamutin dahil infected na ng nasabing virus.

Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, kung kinakailangan ng heart-to-heart talk sa kanilang mga medical personnel ay kanila itong gagawin para matukoy ang totoo nilang sitwasyon sa kasakuluyan.


Pero giit ni Gamboa na bilang mga kasapi ng armed component ng gobyerno, ang kanilang pangunahing mandato lalo na ngayong may pandemya ay pagsilbihan ang publiko bago ang sarili.

Sa ngayon aniya mayroong 47 medical personnel ang PNP health service kung saan bawat Police Regional Office ay may dalawa o tatlong PNP medical personnel ang nakatalaga.

Para madagdagan ang mga ito, inaalam na ngayon ng PNP ang mga pulis na nagtapos ng nurse para maisailalim sa re-orientation at makatulong sa mga PNP medical personnel sa paglaban sa COVID-19.

Facebook Comments