Pagaganahin na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Reactionary Standby Support Force sa Kampo Crame ngayong araw.
Ito ay bahagi pa rin ng mga paghahanda ng PNP para sa opisyal na pagbubukas ng 30th Southeast Asian o SEA Games bukas, November 30.
Ngayong umaga magsasagawa ng accounting of personnel para matiyak na may dagdag puwersa na maipakakalat ang PNP sakaling kailanganin.
Ang iba’t ibang unit mula sa National Headquarters ang karagdagang puwersa sa mahigit 27,000 mga pulis na nakakalat na sa 5 rehiyon sa bansa para sa SEA Games.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, kasama ng sambayanang Pilipino ang PNP sa paghahangad ng isang maayos, ligtas at matagumpay na pagdaraos ng SEA Games.
Tiniyak rin ng PNP na kahit malaking bilang ng mga pulis ang naka kalat sa iba’t ibang panig ng bansa para siguruhin ang seguridad sa mga sporting venue ay hindi nila pababayaan ang ibang PNP operation.