Handa ang Philippine National Police (PNP) para sa transition ng Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) mula sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Pero aminado si Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na magiging mas malaking hamon sa kanila ang GCQ dahil mas maraming tao na ang papayagang lumabas sa kanilang mga bahay at mas maraming sasakyan na rin ang makakabiyahe sa mga lansangan simula bukas.
Aniya, magsasagawa pa rin ang PNP ng random checking sa mga motorista para masigurong kabilang sila sa Authorized Persons Outside Residence (APOR) o mga manggagawa sa mga industriyang pinapayagan nang makapag-operate.
Kailangan din aniya na magpakita pa rin ng rapid pass o company ID ang mga motorsita.
Samantala, pinaghahandaan na rin aniya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagdagsa ng mga pasahero sa MRT-3.
Pinaalalahan naman niya ang publiko na mamili na lang sa mga supermarket, drug stores at iba pang establisyimentong malapit lang sa kanilang lokalidad at iwasang dumayo sa ibang lungsod.
Giit ni Eleazar, nananatiling ‘abnormal’ ang sitwasyon sa ilalim ng GCQ at hindi ito nangangahulugan na libre nang maglabasan ang lahat.