Dumipensa ang Philippine National Police (PNP) sa ikinasang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Angono, Rizal nitong isang linggo.
Ito ay matapos na mapatay sa ikinasang operasyon ang dalawang consultant ng National Democratic Front (NDF) na sina Agaton Topacio at Eugenia Magpantay matapos manlaban.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Debold Sinas, ipinatupad lamang ng mga tauhan ng CIDG-CALABARZON ang search warrants laban sa mag-asawa dahil sa kasong murder at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Illegal Possession of Firearms and Explosives.
Giit ni PNP Chief, wala sa edad ang paglaban lalo na sa kaso nina Topacio at Magpantay na hindi isang ordinaryong kriminal kung hindi mga itinuturing na mga terorista.
Matatandaang umalma ang mga progresibong grupo sa pagkamatay nila Topacio at Magpantay sa kamay ng pulisya dahil sa hindi na makapanlalaban ang mga ito dahil sa katandaan.
Pero, sinabi ni Sinas na bukas ang PNP sa anumang imbestigasyon hinggil sa ikinasang operasyon sakaling kailanganin.