Handa ang hanay ng Philippine National Police (PNP) na buksan sa Department of Justice (DOJ) ang records ng mga napatay sa drug war.
Ito ay matapos sabihin ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na pumayag si PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na silipin ang 61 kaso kung saan nakitaan ng PNP-IAS ng pananagutan ang ilang pulis na sangkot.
Ayon kay Eleazar, kahit ang ibang kasong inimbestigahan ng PNP-IAS ay bubuksan din nila para sa DOJ.
Habang ani pa ni Eleazar, handa rin silang isiwalat ang nilalaman ng 7,000 kaso.
Ikinatuwa naman ni Guevarra ang nangyari at sinabing malaki na ang tiyansang mabigyang-hustisya ang kwestiyonableng pagkamatay ng ilang biktima.
Pero sa kabila nito, hindi naman kumbinsido si Justice Undersecretary Adrian Sugay na hindi magiging ganoon kadali ang proseso.
Matatandaang una nang kinilala ng Commission on Human Rights bilang isang hakbang sa tamang direksyon ang pagbukas ng PNP ng mga kasong ito sa DOJ.
Pero kaagad itong kinwestiyon ng ilang human rights groups dahil ang 61 kaso ay kakaunti lang kung ikukumpara sa higit 7,000 napatay sa drug operations, base sa opisyal na datos ng gobyerno.