PNP, handang sagutin ang kasong isinampa ni Mayor Baste sa Ombudsman

Handa ang Philippine National Police (PNP) na sagutin ang reklamong isinampa ni acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte laban sa ilang opisyal ng pulisya kaugnay ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuaño, maghihintay lamang sila ng direktiba mula sa mga kinauukulan bago kumilos.

Kabilang sa mga inireklamo sina dating PNP Chiefs General Nicolas Torre III at Rommel Marbil, at dating PNP Spokesperson BGen. Jean Fajardo.

Kinumpirma ng abogado ni Mayor Duterte na si Atty. Israelito Torreon na inihain nila ang reklamo sa Office of the Ombudsman for Mindanao.

Nahaharap ang mga opisyal sa kasong kidnapping, arbitrary detention, qualified direct assault, expulsion at usurpation of judicial functions sa ilalim ng Revised Penal Code, gayundin sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Pinangalanan ding respondents sa reklamo sina Interior Secretary Juan Victor Remulla, Defense Secretary Gilberto Teodoro, National Security Adviser Eduardo Año, Justice Secretary Crispin Remulla, Undersecretary Nicholas Felix Ty, Markus Lacanilao, Anthony Alcantara, Richard Anthony Fadullon at ilang John at Jane Does.

Facebook Comments