
Handang tumulong ang Philippine National Police (PNP) sa paghahain ng kaso laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa whistleblower na si Orly Guteza.
Ayon sa PNP, hinihintay na lamang nila ang pormal na pakikipag-ugnayan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para simulan ang proseso.
Matatandaan na pinabulaanan ng Philippine Navy na nasa kustodiya ng Philippine Marine Corps si Guteza, na nagpakilalang tagahatid umano ng pera kina resigned congressman Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nilinaw ng AFP na retirado na si Guteza mula pa noong 2020 at wala na sa administrative authority ng PMC. Dahil dito, makikipag-ugnayan umano ang AFP sa PNP para sa paghahain ng reklamo laban sa mga nasa likod ng maling impormasyon.
Ayon naman kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuaño, nakahanda silang magbigay ng anumang kinakailangang tulong dahil bahagi ito ng kanilang mandato.









