Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na umasiste sa mga pasaherong maii-stranded kasabay ng ikakasang tigil-pasada ng grupong Manibela sa Lunes, Oktubre 16.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, mayroon silang sapat na mga tauhan para umalalay sa mga maaabalang motorista.
Aniya, gagamitin ng PNP ang kanilang mga asset para tulungan ang mga maaapektuhan nito gaya ng pagbibigay ng libreng sakay.
Giit ni Fajardo, mahigpit na tagubilin ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., sa mga pulis na pairalin ang maximum tolerance at hayaan ang mga raliyista na maghayag ng kanilang saloobin basta’t hindi ito makaaabala sa iba.
Nanawagan din ang PNP sa mga magkakasa ng tigil pasada na huwag mamilit ng kapwa nila tsuper na ayaw sumama sa transport strike.