PNP, hawak na ang missing link sa kaso ng missing sabungero

Hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang itinuturing na “missing link” sa kaso ng mga nawawalang sabungero, na pawang mga kapatid ng whistleblower na si Julie Patidongan, alyas “Totoy.”

Kinilala ang mga ito na sina Elakim Patidongan at Jose Patidongan.

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, si Elakim umano ang nag-withdraw ng pera mula sa ATM account ng isa sa mga biktima, habang si Jose naman ay nakunan ng video na nag-e-escort sa isa pang nawawalang sabungero.

Nahuli ang dalawa sa isang bansa sa Southeast Asia at dinala pabalik ng Pilipinas noong Hulyo 22.

Base sa ulat, may nakabinbing warrant of arrest si Jose para sa kasong robbery, samantalang si Elakim ay naaresto dahil sa paggamit ng pekeng pangalan sa kanyang pasaporte bilang “Robert Baylon.”

Giit ni Fajardo, lehitimo ang pagkakaaresto sa magkapatid dahil isinagawa ito sa pakikipagtulungan sa Bureau of Immigration at aprubado ang kanilang Case Operational Plan.

Naniniwala ang PNP na dahil sa pagkakaaresto ng dalawang ito, mas mabibigyan ng linaw ang matagal nang iniimbestigahang kaso ng mga nawawalang sabungero.

Facebook Comments