PNP Health Service, isinasapinal na ang rekomendasyon sa paggawa ng guidelines para sa Psychiatric-Psychological Exam ng lahat ng kanilang tauhan

Isinasapinal na ng Philippine National Police (PNP) Health Service ang mga rekomendasyon hinggil sa pagsasagawa ng Psychiatric-Psychological Exam (PPE) sa lahat ng kanilang mga tauhan.

Ito’y sa gitna ng mga kinahaharap na kasong grave misconduct ng ilang pulis kung saan ang pinakahuli ay nangyaring pamamaril ng isang police sergeant sa loob ng Manila Police District (MPD) Headquarters.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, isasama nila sa rekomendasyon ang paggawa ng mga panuntunan na siyang tututok sa estadong pagkaisipan at emosyonal ng mga pulis.


Naunang sinabi ni Eleazar na ikinokonsidera nilang gawin tuwing ikatlong taon ang Psychiatric-Psychological Exam (PPE) bilang bahagi ng pagpapabuti sa kapakanan ng mga pulis lalo na iyong mga sumasabak sa ground operations.

Matatandaan na noong Biyernes ng gabi, walang habas na napaputok ng baril si Police Executive Master Sergeant Reynante Dipasupil sa loob ng MPD Headquarters na nagresulta sa pagkamatay ng isang police sergeant at pagkasugat ng isa pa.

Kaugnay nito, inihayag ni Eleazar na handa silang tumulong sa pamilya ng mga nasawing pulis gayundin ang pulis na nasugatan sa insidente.

Siniguro din ng opisyal na gumagawa na ng masusing imbestigasyon ang MPD sa insidente upang malaman ang tunay na dahilan ng pamamaril ng pulis sa kaniyang mga kabaro.

Facebook Comments