Tumungo mismo sa UST-Legazpi Hospital ang mga tauhan ng PNP Health Service Region 5 para alamin ang totoong medical condition ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo.
Ito ay makaraang hindi makadalo sa inquest proceedings kahapon ang alkalde dahil sa kanyang patuloy na pagkaka-confine sa ospital.
Sa halip abogado na lamang nito ang humarap sa Albay Provincial Prosecutors Office bitbit ang confinement letter para sagutin ang kinakaharap nitong kasong illegal possession of firearms and explosives.
Nakasaad sa confinement letter na ang Mayor ay naka-confine dahil sa asthma, acute respiratory tract infection at diabetes.
Matatandaang isinugod sa ospital si Mayor Baldo, ilang oras lang matapos siyang arestuhin dahil umano sa asthma-attack.
Ayon kay Bicol CIDG Director Superintendent Arnold Ardiente, hindi pa matiyak kung hanggang kailan mananatili sa ospital ang alkalde.
Si Mayor Baldo ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe at bodyguard nitong si SPO2 Orlando Diaz.