Handa ang liderato ng PNP na humingi ng paumanhin sa apat na unang itinurong persons of interest sa pambobomba sa Jolo Cathedral na nakita sa CCTV na kalaunan ay lumantad at nilinis ang kanilang pangalan.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, wala siyang nakikitang problema kung humingi ng paumanhin ang PNP sa apat.
Nakausap na umano niya ang PNP provincial director sa Sulu na si Police Senior Superintendent Pablo Labra II at sinabing humingi ng paumanhin sa apat.
Kapag nabigyan naman aniya siya ng pagkakataon na makausap ng personal ang apat ay hihingi siya mismo ng paumanhin.
Pero depensa naman ng hepe ng pambansang pulisya hindi sila ang nagturo sa apat bilang mga persons of interest na kasama si alyas Kamah kundi itinuro lamang ng mga testigo matapos makita ang CCTV footage.