Hindi ikinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na armed and dangerous si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, ito’y dahil walang naire-report na mayroon itong private armed group.
Wala rin aniyang naipararating sa kanilang impormasyon na nagmamay-ari ito ng mga baril.
Samantala, muling nakiusap si Fajardo sa kung sinoman ang nagkakanlong sa church leader na makipagtulungan na lamang sa mga otoridad.
Paliwanag nito, ang pagkakanlong ng isang wanted person o pugante ay labag sa batas at may katapat na kaparusahan.
Nanawagan din si Fajardo kay Quiboloy na makipagtulungan, respetuhin, harapin ang warrant of arrest at judicial process ng bansa dahil sa kasong child at sexual abuse na kanyang kinasasangkutan.